Sabado, Oktubre 3, 2015

Panunuring Pampelikula

Sinematograpiya

May mga parteng magaganda ang pagkakakuha ng lente ng kamera sa pelikula. Katulad na lamang noong nag-uusap si Heneral Antonio Luna (John Arcilla) at ang kaniyang kasintahang si Isabel (Mylene Dizon). Napakaganda ng pagkakakuha noon dahil nakapokus talaga ang kamera sa kaniya at kitang-kita ang kaniyang emosyon. Ang pag-akyat ni Heneral Luna sa bundok ay kakikitaan din ng napakagadang sinematograpiya. Doon makikita kung gaano lamang siya kaliit sa napakalawak na mundong kaniyang ginagalawan. Ang pag-iilaw ay naaangkop sa bawat senaryong ipinakikita. Hindi siya katulad ng ibang pelikulang napakaraming arte sa pag-iilaw at pagkuha ng anggulo sa pagpipihit ng lente ng kamera.  

Musika

Naaangkop ang musikang inilapat sa pelikulang ito. Naaayon ang bawat tunog sa mga eksenang ipinakikita sa palabas. Kung anong emosyon ang ipinakikita, naaangkop din ang tunog na inilapat dito. Maririnig ang putukan sa oras ng gyera, at iba pang senaryo.

Pagdidirihe

Napakaganda ang pagdidirihe ng pelikulang ito. Nakalatag ang lahat at madali sa mga manonood ang pag-unawa sa daloy ng palabas. Mahusay na naipahatid nito ang pinakamensahe ng pelikula sa mga manonood. 

Disenyong Pamproduksyon

Ang lugar na kinuhanan ng mga eksena ay naaangkop sa daloy ng kuwento mismo. Para bang bumalik ang mga manonood sa kalagayan ng bansa ilang libong taon na ang nakaraan. Napakahusay ng pagkakapili. Hindi inaasahang mayroon pa palang ganitong lugar o setting dito ngayon sa kabila ng makabagong henerasyon ngayon. 

Editing

Ang editing ng pelikula ay tamang-tama lamang. Sakto lamang ang oras para makuha ang atensyon ng mga manonood mula simula hanggang magwakas ang pelikula. Ang buong pelikula ay tumagal ng mahigit kumulang dalawang oras na tamang-tama lamang para sa isang pelikula. 

Iskrip

Malinaw ang pagkakalahad ng bawat linya. Madaling makuha ng mga manonood ang nais ipabatid ng mga tauhang gumaganap sa palabas. 





Mukha ng Lungsod


Nakasisilaw na ilaw ng mga sasakyan at poste. Isama pa ang mga maiingay na ugong at busina. Naririyan din ang mga nakasabit na bandiritas. Napakagandang pagmasdan. Halatang buhay na buhay ang kaluiluwa sa lungsod. Sampung taon mula ngayon, ganito pa rin kaya ang mukha ng kinagisnan mong lungsod?

Entablado



Mainit ang tama ng ilaw sa balat. Magkahalong pawis at luha ang dumadaloy. Masakit sa katawang mga galaw at kilos. Lahat ay pawang nawala nang maitanghal ang kampyon. Isang napakagandang karanasan. Isang 'di malilimutang karanasang nakatatak na sa aking puso't isipan. Salamat sa suporta. Salamat Panginoon. Salamat! 

Korona



Bawat batang babae ay pinapangarap ang maging isang prinsesa. Naalala ko pa nang ako’y paslit pa lamang, sa hardin ni ina palaging nakasampa. Namimitas ng ganitong bulaklak, pagdurugtungin at pagkakabit-kabitin ang mga dulo hanggang sa mabuo ito nang pabilog. Ilalagay sa ulo na parang korona, at mag-aala-prinsesa o ‘di kaya’y diwata.

Bagong Taon


May mga nakapagsasabing ang mga nilalang man daw na di’ natin nakikita ay gumugunita rin sa pagsalubong ng bagong taon. Katulad nating mga karaniwang taong nagdiriwang, naghahanda, at abala sa iba’t ibang gawain sa pagsalubong natin sa panibagong taong magbibigay sa atin ng panibagong pag- asa. Isang kuwento ang aking isasalaysay sa inyong halaw sa totoong pangyayaring minsan ko nang nasaksihan kasama ng aking ina sa kanilang lugar sa bayan ng Surallah, South Cotabato. Sa inyong pagbabasa’y kayo na ang humusga kung ito nga ba ay totoo o bunga lamang ng aking mura at malikot na pag- iisip.
Disyembre 31, 2001. Ako’y nasa pagitan ng apat hanggang limang taong gulang ng mga panahong iyon nang magpasiya an aming pamilya na salubungin ang bagong taon kasama ang aking mga lolo, lola’t mga pinsan sa Naci, bayan ng Surallah. Katulad ng isang batang sabik sa pagsalubong ng bagong tao’y ganoon rin ang aking naramdaman. Nagsimula ang lahat sa pagdalo ng isang misang dinadaluhan ng madla kasama ang kaniya- kaniyang pamilya. Pag uwi sa bahay ay maraming pagkain ang dadatnan at pagsasaluhan ng buong mag- anak. May mga palaro para sa aming kabataan, pagpapaputok naman gamit ang biyas ng kawayang nilalagyan ng “kalboro” ang pinagkakaabalahan ng mga pinsan kong lalaki, hindi matapos tapos na kuwentuhan ng mga matatanda, isabay mo pa ang malalakas at walang bukas nilang mga halakhak, at iba’t ibang aktibidad na ginagawa’t pinagkakaabalahan upang di’ dalawin ng antok at pagkainip sa pagsalubong ng bagong taon.
Walang ano- ano’y ang lahat ng mga taong nasa kanilang kabahayan ay paunti- unti nang lumakad papuntang kalsada upang saksihan ang isang di’ kapani- paniwalang pangyayari. Kami rin ng aming buong pamilya ay pumunta na rin sa kinaroroonan ng lahat. Tahimik lamang kami at pasensiyosong naghihintay sa sumunod na pangyayari.
Pagpatak ng 11:45 ng gabi’y nagsimula na ang inaabangan ng lahat. Kung titingna’y parang “fireworks” na hindi kataasan ang aming nakita sa gubat. Walang tunog o putok na maririnig, at panay ilaw lamang sa kalangitan. Ito ay binubuo ng apat na magagandang kulay. Pula, dilaw, mala- dalandan at berde. Manghang- mangha kami sa aming nakita. Walang nag- iingay at panay panonood lamang. Ang pag- ilaw na iyon ay tumagal nang hanggang hatinggabi hanggang sumapit ang Enero 1, taon- taon. Napakaganda, nakamamanghang talaga. Iyan ang aking mailalarawan sa aking nakita ng gabing iyon.
Sinasabing ito raw ay nagpapatunay na maging ang mga nilalang na di’ natin nakikita ay nakikiisa rin sa pagsalubong ng bagong taon.
Bagama’t ang pamumuhay noon ay tunay ngang ibang- iba ng sa ngayon. Masyado nang sibilisado ang kanayunan, malalaking gusali ang itinatayo, ang mga kagubata’y kalbo ng mailalarawan, polusyo’y laganap na laganap na, at ang matinding init ay ramdam na ng karamihan. Kung kaya’t ang mga pailaw na nakikita gawa ng mga engkanto’y hindi na kinakikitaan sa ngayon. Ang lahat ay mistulang naglaho na parang bula. Kahit anong hintay ng mga tao sa misteryosong pailaw na pinanonood taon- taon sa Naci, ay wala na. Naglaho na’t napalitan ng maiingay at nagmamahalang paputok na ating nasasaksihan sa kaalangitan sa kasalukuyan.
Mahigit sampung taon na ang nakararaan ngunit sariwa pa rin sa aking isipan ang aking nakita. Tandang tanda ko pa ang lahat, at bilang patunay ay naisalaysay ko pa sa inyo ang pangyayaring aking nasaksihan noong ako’y bata pa na mahirap paniwalaan. Nasa inyo ang panghuhusga’t desisyon kung kayo ba ay maniniwala o hindi.

Matalik na Kapatid




Sabi nila, masaya ‘pag may kapatid ka
Sagot ko nama’y “sigurado ka ba?”
Sabi nila, may matalik kang kaibigan ‘pag may kapatid ka
Sagot ko’y “kaaway ba ka?”

Aywan ko kung bakit,
Naiirita ako ‘pag siya’y lumalapit
Pakiramdam ko atensiyo’y kaniyang aagawi’t,
Pagmamahal ni ama’t ina sa aki’y ipagkakait.

Ngunit ngayong ‘di na kami magkasama,
Sa kanya, ako’y nangungulila
“ate, patulong ako puwede ba?”
Ilan sa mga salita niyang naaalala

Huli na nang aking matalima,
Loob niya sa aki’y malayo na
Anong panghihinayang itong nadarama,
Matalik kong kapatid ay wala na.

Higante ng Kalikasan



Napakasaklap...
Nakapanlulumong tingnan
wala na ang dating ganda,
ito na ang kasalukuyang mukha

mapang-abuso...
sakim...
marahil silaw na nga sa salapi
kaya't lahat ay kayang gawin

Ang gawa ng tao,
ay babalik din sa tao.
Kung anong lupit ang ginawa,
simbagsik din ang balik. 

hindi man ngayon, 
hindi man bukas..
Sa tamang panahon...
higanti ng kalikasa'y walang makasasangga!






Batang Ina 

ni: Claire Dorothy Terania Declarador


Sa barkada’y napasama,
Inuman hanggang umaga
Hanggang sa siya’y malasing na
‘di na alam ang ginawa

ngayong ito’y nagbunga na,
‘di alam sino ang ama
May masisisi ka pa ba?
Barkada ay nasaan na?

Nang dahil sa impluwensiya,
Ika’y naging batang ina
Panibagong kabanata
Ng buhay paghandaan na.