Sabado, Oktubre 3, 2015

Bagong Taon


May mga nakapagsasabing ang mga nilalang man daw na di’ natin nakikita ay gumugunita rin sa pagsalubong ng bagong taon. Katulad nating mga karaniwang taong nagdiriwang, naghahanda, at abala sa iba’t ibang gawain sa pagsalubong natin sa panibagong taong magbibigay sa atin ng panibagong pag- asa. Isang kuwento ang aking isasalaysay sa inyong halaw sa totoong pangyayaring minsan ko nang nasaksihan kasama ng aking ina sa kanilang lugar sa bayan ng Surallah, South Cotabato. Sa inyong pagbabasa’y kayo na ang humusga kung ito nga ba ay totoo o bunga lamang ng aking mura at malikot na pag- iisip.
Disyembre 31, 2001. Ako’y nasa pagitan ng apat hanggang limang taong gulang ng mga panahong iyon nang magpasiya an aming pamilya na salubungin ang bagong taon kasama ang aking mga lolo, lola’t mga pinsan sa Naci, bayan ng Surallah. Katulad ng isang batang sabik sa pagsalubong ng bagong tao’y ganoon rin ang aking naramdaman. Nagsimula ang lahat sa pagdalo ng isang misang dinadaluhan ng madla kasama ang kaniya- kaniyang pamilya. Pag uwi sa bahay ay maraming pagkain ang dadatnan at pagsasaluhan ng buong mag- anak. May mga palaro para sa aming kabataan, pagpapaputok naman gamit ang biyas ng kawayang nilalagyan ng “kalboro” ang pinagkakaabalahan ng mga pinsan kong lalaki, hindi matapos tapos na kuwentuhan ng mga matatanda, isabay mo pa ang malalakas at walang bukas nilang mga halakhak, at iba’t ibang aktibidad na ginagawa’t pinagkakaabalahan upang di’ dalawin ng antok at pagkainip sa pagsalubong ng bagong taon.
Walang ano- ano’y ang lahat ng mga taong nasa kanilang kabahayan ay paunti- unti nang lumakad papuntang kalsada upang saksihan ang isang di’ kapani- paniwalang pangyayari. Kami rin ng aming buong pamilya ay pumunta na rin sa kinaroroonan ng lahat. Tahimik lamang kami at pasensiyosong naghihintay sa sumunod na pangyayari.
Pagpatak ng 11:45 ng gabi’y nagsimula na ang inaabangan ng lahat. Kung titingna’y parang “fireworks” na hindi kataasan ang aming nakita sa gubat. Walang tunog o putok na maririnig, at panay ilaw lamang sa kalangitan. Ito ay binubuo ng apat na magagandang kulay. Pula, dilaw, mala- dalandan at berde. Manghang- mangha kami sa aming nakita. Walang nag- iingay at panay panonood lamang. Ang pag- ilaw na iyon ay tumagal nang hanggang hatinggabi hanggang sumapit ang Enero 1, taon- taon. Napakaganda, nakamamanghang talaga. Iyan ang aking mailalarawan sa aking nakita ng gabing iyon.
Sinasabing ito raw ay nagpapatunay na maging ang mga nilalang na di’ natin nakikita ay nakikiisa rin sa pagsalubong ng bagong taon.
Bagama’t ang pamumuhay noon ay tunay ngang ibang- iba ng sa ngayon. Masyado nang sibilisado ang kanayunan, malalaking gusali ang itinatayo, ang mga kagubata’y kalbo ng mailalarawan, polusyo’y laganap na laganap na, at ang matinding init ay ramdam na ng karamihan. Kung kaya’t ang mga pailaw na nakikita gawa ng mga engkanto’y hindi na kinakikitaan sa ngayon. Ang lahat ay mistulang naglaho na parang bula. Kahit anong hintay ng mga tao sa misteryosong pailaw na pinanonood taon- taon sa Naci, ay wala na. Naglaho na’t napalitan ng maiingay at nagmamahalang paputok na ating nasasaksihan sa kaalangitan sa kasalukuyan.
Mahigit sampung taon na ang nakararaan ngunit sariwa pa rin sa aking isipan ang aking nakita. Tandang tanda ko pa ang lahat, at bilang patunay ay naisalaysay ko pa sa inyo ang pangyayaring aking nasaksihan noong ako’y bata pa na mahirap paniwalaan. Nasa inyo ang panghuhusga’t desisyon kung kayo ba ay maniniwala o hindi.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento